Thursday, April 26, 2012

kaimito


Halos ilang taon na, dekada na yata ng huli akong kumain ng prutas na ito. Pakwan ang pinabibili ko kay mama pero kaimito ang binili.

Nakakatuwa. Alam kong nakabaon sa limot ang lasa nito pero habang nilalasap ko ang isa, bumalik ang mga sandali ng aking pagkamusmos na lumalantak ng madagtang prutas.. Kinalakihan ko kasing may dalawang puno kami ng kaimito at pagkaganitong mga buwan ito namumunga.

Isa lang ang kaya ko at ng mg kalaro ko na akyatin na puno, yun medyo mababa at nakahilig na. Mabubuwal sana siguro yun ng bagyo kaya ganun pero nagkamalay ako na ganun na siya. Yun isang puno naman ay mataas at mga matatanda lang ang kayang umakyat.

Habang kumakain pa ako ng isa, nagbalik-tanaw kami sa nakaraan ni mama.
Kwentuhan sa mga bagay-bagay na kaya naming tandaan tungkol sa dalawang puno. Alam ko nakatayo pa din ang mga ito nang una akong makagat ng aso. Habang nakatakbo ang ibang mga iba at ang pinsan ko ay nakaakyat naman, ako ay naging tuod at naiwan sa gitna at tuloy nakagat sa pwet.

Hindi naglaon pinutol din ang dalawang punong yun. Nakakapanghinayang dahil matatamis pa naman ang mga bunga nito. Kinailangan kasi magtayo pa ng bahay sa likuran para mapaupahan.

At nang maubos ko na ang nilalantakan ko, biglang sumagi san isipian ko ang pantasya ng ako ay bata pa. May mga hapon kasi na tinitingala ko nun ang matayog na puno at sa isip ay makailang beses ko itong naakyat hanggang sa
tuktok. Pakiwari ko nun matatanaw ko ang lahat ng kamaynilaan. Duon lang ako hanggang sa tawagin na ako ni mama at magkakagulo na ang mga tao kung paano ako pabababain. Tatanawin ko lamang sila sa ibaba at pagpalubog na ang araw, saka ako magpapatihulog.

Wednesday, April 25, 2012

ang tv


May sumpong na namn tv namin at ayaw sumindi. Mabuti na lamang at may series akong kinahuhumalingan at dito sa de-uling kong laptop ito pinapanood.

Kung marami sana akong pera matagal na akong bumili ng LED tv. Syempre dapat de-cable pa dapat. Malamang bonggang couch potato ang peg ko 'pag nagkataon.

Ilang taon na din kaya itong TCL na tv namin. Minsan na din itong nakaranas ng kalikot ng isang repair man. Sana gumana na siya mamya kasi kawawa naman si mudra at naiiwan sa gabi na fm radio lang ang kasama. Hindi na niya masusubaybayan ang mga inaabangan niya sa prime time bida.

Natatandaan ko pa na ang tv na kinalakihan ko ay black and white na de-cabinet pa. Radiowealth pa tatak nun. Ako nga nakasira pihitan nun kaya de-plais ang paglipat ng channel. Nang mapudpod na ang iniipit na pihitan ng plais, napako sa channel 13 ang tv. Hindi ko alam kung sadyang pinili ba yun o dahil yun lang ang malinaw na signal sa amin.
May mga ilang taon din sa buhay ko na wala kaming tv talaga. Halos ata dalawang taon sa haiskul na wala kaming tv kaya madalas hindi ko masakyan ang mga pinagkwekwentuhan ng mga kaklase ko tungkol sa mga pinapanood nila. Looking back now it was like you were part of a history that you were unaware of.

Mabuti pa ata sa India halos lahat ng squatter may tv. Kelan kaya ako makakabili ng bago?

Tuesday, April 24, 2012

mind tricks


Isa sa mga natatandaan kong mga bagay sa aklat na “Conversation With God” na nabasa ko nung haiskul ay pag-iwas sa pagbanggit ng mga katagang “i want __” (i.e I want money). Dahil ang salitang want ay nangangahulugang ikaw ay sadyang nagkukulang (want + ing = wanting of). Nararapat lamang na positibo ka at hindi nag-aatract ng kung ano mang mga negatibong enerhiya.

Isa naman sa mga tip ng mga naghihikayat mag-impok ay ang gabay na “Pay yourself first”. Ibig sabihin magtatabi ka muna sa bahagi ng iyong sahod na kabarayan mo para sa sarili mo sa anyo ng savings bago mo pa man ilaan ito sa mga gastusin mo sa buhay.

Sa isang banda, maganda naman ang dalawang payong naturing. Walang masama kung susundin ang mga ito at positibo pa nga ang epekto.. Ang siste likas na pilosopo ako at hindi basta-basta magpapadala sa mga ideya kung hindi man lang ito bubusisiin ng aking pag-iisip.

'Pag sinabi kong halimbawa na “I want money (tons of money tee hee)”, hindi maipagkakaila na I am wanting of money. Fact 'yun na hindi kailangang ikaila. Kelangan eh.

And how would I pay myself first kung ang sinasahod ko nga ay kulang pa sa mga expenses ko? Tipid mode na ako nyan ha. Kung titikisin ko naman ng todo ang sarili ko, ano namang silbi ng naipon ko kung let say magugunaw na nga ang mundo sa December 12 at hindi man lang ako nag-enjoy kahit papaano?

Siguro kelangan ko pang maghanap ng mga praktikal na mga ideya na sadyang magiging gabay ko sa buhay. Mahirap denggoyin ang taong may critical thinking.

Naks.

Monday, April 23, 2012

me taking the wheel


Ang buhay nga sabi nila ay parang gulong. Hindi dahil minsan nasa taas ka o minsan nasa baba. Given na 'yun. Paikot-ikot lang.

Ito ay dahil ang gulong ng sasakyan minsan ay may nasasagasaang tae at minsan ay wala.

Working week na naman mam'ya at gagawin ko na naman ang papel ko bilang isang call center agent. Same routine, same old stuff. At sana walang shit tulad ng bagsak na QA o bagsak na survery sa caller.

Tingnan mo 'yan. Matatapos na naman pala ang buwan. Wala na naman akong nagawang achievement sa buhay ko. Bilib nga ako sa iba na marunong magset ng goals sa buhay at gagawin ang lahat para maisakatuparan 'yun. Ako? Magaling lang ako mangarap.

Hindi naman ako bobo pero gusto ko sana mas matalino pa ako. Pero ang siste wala kasi akong diskarte.

Hindi ako risk taker and at ease ako na may routine.. Parang gulong na patuloy sa pag-inog sa paglalakbay. Go lang ng go kahit may ebs na.

Sunday, April 22, 2012

fire and ice


Sa araw ikamamatay ko na 'ata ang tindi ng tag-init; sa gabi naman ay ang sobrang lamig ng centralized aircon sa opisina. Halinhinan itong nagpaparupok na sa aking katawan mula Lunes hanggang Biyernes. Weathering.

At mas titindi pa daw ang taas ng temperatura sa mga darating na araw. Akala ko ba wet summer? Marso lang nag-uulan eh. 'Pag nakikita ko nga tvc ni Xian Lim ng McFloat kung saan ay kinakanta ang “I'm walking on sunshine wooh oh hoo...” gusto ko na siya sapakin sa personal. Anong “and don't you feel good?”. Tsk. Kung hindi ko lang siya crush eh.

Sana nga umulan na. O kung kalabisan man ang kahilingan na 'to para sa mga may summer outing ay sana naman kumilimlim man lang sa katanghalian.

Sa office naman tagos sa jacket ang lamig. Minsan naninigas na mga daliri ko at nananakit pa likuran ko. Ultimo bunbunan. 'Yung iba nga hindi na maiwasang mangatal sa calls. Hindi na sapat ang mga kapeng madaling lumamig. Gusto mo nang humigop ng sabaw. 'Yung halos bagong kulo lang kung pwede.

Ganito ako. Madali akog mainitan. Madali din akong ginawin. Sala sa init, sala sa lamig. Bakit hindi ba pwedeng sapat lang?

Isa lang ang eksenang pinaglalaruan ko sa isip sa mga pagkakataong sobrang nabwiwisit na ako sa init o na-dedepress sa lamig: Kampanteng nasa lilim lang ako ng puno malapit sa baybayin at may librong pinagkaka-abalahan.

I need a vacation. Badly.