Helllo A__. Nasa huling
linggo na tayo ng Buwan ng Wika kaya hayaan mo nang kausapin kita sa
Filipino. Minsan lang naman ito.
Hindi na naman ako
nakakapagsulat nitong mga huling araw alam ko. Pasensiya naman.
Aaminin kong hindi talaga ako naglaan ng panahon upang kausapin ka.
Wala namang nagbago sa
akin eh. Ganoon pa din naman ako. Ang kinaibahan lang ngayong mga
sandali ay hindi ako nababalot sa kalungkutan.
Teka napaka-pormal ko
bang magsalita? Hayaan mo na ako. 'Pag dating kasi sa panunulat sa
Tagalog ay ninanais kong angat ito sa kaysa sa aking pananalita. Oo
alam kong Filipino na ang tawag sa ating pambansang wika pero hindi
mo maitatanggi na malaking bahagi nito ay base sa dialektong Tagalog
kaya madalas ganoon pa din ang bansag ko dito.
Matagal na din akong
hindi nakapanulat nang ganito 'no? Nakakapanibago. Ang siste pa ay
halos lahat ng mga naitipa kong salita sa Word ay sinalungguhitan ng
pula dahil Ingles ang lingwahe ng program. Susubukin kong
mag-download ng Tagalog para sa diksyunaryong kaakibat nito. 'Yung ay
kung mayroon.
Napanood ko pala ang
isang dokumentaryo tungkol sa ating wika. Nakalimutan ko na ang
pamagat ng episode ng Che Che Lazaro Presents na 'yon. Masasabi kong
makabuluhan ang naturang pagtatalakay. Akalain mo ba naman na
hanggang sa ngayon pala ay maigting pa din ang pagtatalo tungkol sa
lingua franca ng ating bansa. May mga myembro pa din ng akademya na
sensitibo at marubdob ang opinyon sa ganitiong usapin. May mga ilang
na eksperto sa Filipino na nagsasabing dapat panatilihin ang wastong
balarila sa wastong ikayayaman ng wika. Mayroon din naman (mga
propesor sa U.P. karamihan) na nagsasabi naman na dahil daynamiko ang
bata nating linggwahe ay hindi natin ito dapat itali sa mga lumang
panuntunan dahil ang importante ay ang pagkakaintindihan.
Ginawa nilang halimbawa
ay ang salitang madalas gamitin ng mga reporter: kaganapan. Ang
palasak na gamit nito ay ang para bang diretsong pagsasalin ng
salitang Inggles na happpening. Subalit ang tunay na kahulugan nito
pala ay fullfillment.
Ano sa tingin mo A__?
Sa akin mas papaning ata ako dun sa mga nagpapaka-purist. Sabihin na
nga nating patuloy pa sa pag-eebolb ang ating batang-bata wika at
hindi maiiwasan ang kagyat na pagbabago ng mga kahulugan lalo na sa
mga bagong salita. Ang sa ganang akin ay hanggat maari ay dapat
maging mapagmatyag ang mga tagataguyod ng ating wika laban sa
padalos-dalos na pagbabago lalo na sa maling pagkakahulugan sa mga
salitang naririyan na sa ating bokabularyo.
Natapos ko ang
programang nag-iisip ng mga posibilidad kung sakaling pinaglinang ko
ang paggamit ng Filipino sa pagsusulat. Naging ganap na manunulat
kaya ako?
Nakakatuwa malaman mula
sa naturang dokumentaryo na ang ilan sa mga popular na libro gaya ng
Harry Potter ay naisalin na pala sa Filipino. Ang kompanyang
responsable dito ay siya ding taga-limbang ng Precious Hearts pocket
books. Natuwa ako dahil naroroon ang intensyon nilang gawing popular
ang Filipino. Ngayon baka naman may magkutya naman, na kung ano ang ba K ng
isang taga-imprenta ng mga babasahing tinatangkilik lamang ng bakyang
crowd. Ano naman? Isasalin din nila ata ang Fifty Shades of Grey
series. Hindi 'bat wala ding literary value ang nasabing trilogy
subalit mabenta sa mga bansang gumagamit ng Ingles. Ang importante
dito ay pagtaguyod nila ng wikang Filipino sa masa.
Alam mo A__ parang
pareho lang ata nakakapagod magsulat sa Filipino. Nahihirapan din
akong humabi ng mga pangungusap kaya. Teka ano kaya kung subukin kong
magpadala ng mga lathalain sa kung ano mang website na nasa Filipino?
Naku wala akong alam na website na ganoon pala liban sa mga panakanakang
pananagalog ng mga blogs na sinusundan ko.
Tatlong buwan ka nang
mahigit sa akin A__ at puro gastos pa ang nagagawa ko sa 'yo. Sana
matulungan mo naman akong kumita ng pera. Kaya nga ako bumili ng
laptop ay para maisakatuparan ko ang ambisyong kong maging nobelista
o kahit na kolumnista man lang.
Hindi kita sinusumbatan
ah. Alam ko namang kasalanan ko ang lahat. Tingnan mo nga yan. Wala
pa halos tatlong pahina ang naisusulat ko ay napapagod na ako at
natatamad.
Siguro ipapahinga ko
muna ito. Susulat muli ako sa Filipino siguro hanggat maaari.
Marahil sa wikiang ito talaga ang tinig kong nararapat dinggin.
-- from my journal