Halos
ilang taon na, dekada na yata ng huli akong kumain ng prutas na ito.
Pakwan ang pinabibili ko kay mama pero kaimito ang binili.
Nakakatuwa.
Alam kong nakabaon sa limot ang lasa nito pero habang nilalasap ko
ang isa, bumalik ang mga sandali ng aking pagkamusmos na lumalantak
ng madagtang prutas.. Kinalakihan ko kasing may dalawang puno kami ng
kaimito at pagkaganitong mga buwan ito namumunga.
Isa
lang ang kaya ko at ng mg kalaro ko na akyatin na puno, yun medyo mababa
at nakahilig na. Mabubuwal sana siguro yun ng bagyo kaya ganun pero
nagkamalay ako na ganun na siya. Yun isang puno naman ay mataas at
mga matatanda lang ang kayang umakyat.
Habang
kumakain pa ako ng isa, nagbalik-tanaw kami sa nakaraan ni mama.
Kwentuhan
sa mga bagay-bagay na kaya naming tandaan tungkol sa dalawang puno.
Alam ko nakatayo pa din ang mga ito nang una akong makagat ng aso.
Habang nakatakbo ang ibang mga iba at ang pinsan ko ay nakaakyat
naman, ako ay naging tuod at naiwan sa gitna at tuloy nakagat sa
pwet.
Hindi
naglaon pinutol din ang dalawang punong yun. Nakakapanghinayang dahil
matatamis pa naman ang mga bunga nito. Kinailangan kasi magtayo pa ng
bahay sa likuran para mapaupahan.
At
nang maubos ko na ang nilalantakan ko, biglang sumagi san isipian ko
ang pantasya ng ako ay bata pa. May mga hapon kasi na tinitingala ko
nun ang matayog na puno at sa isip ay makailang beses ko itong
naakyat hanggang sa
tuktok. Pakiwari ko nun matatanaw ko
ang lahat ng kamaynilaan. Duon lang ako hanggang sa tawagin na ako ni
mama at magkakagulo na ang mga tao kung paano ako pabababain.
Tatanawin ko lamang sila sa ibaba at pagpalubog na ang araw, saka ako
magpapatihulog.